Una, nang sabihin niyang hindi muna siya magko-comment dahil hindi pa niya alam o hindi pa niya lubos na naiintindihan ang isyu.
Sa totoo lang, wala akong problema roon.
Iyan ang tamang gawin. Mas mabuti nang umaming hindi mo alam kaysa magbigay ng opinyon sa isang bagay na hindi mo pa naiintindihan.
Ang ikalawang bahagi ang nakakaalarma.
Mukhang genuine ang pagkagulat niya nang marinig ang tungkol sa Pax Silica.
Doon ako napatanong.
Paano nangyari iyon?
Isang taong gustong maging Pangulo ng Pilipinas ang hindi pamilyar sa isang usaping ilang linggo nang laman ng balita, pinag-uusapan sa social media, at tinatalakay maging sa international press?
Hindi ako senador. Hindi ako cabinet secretary. Hindi ako opisyal ng gobyerno.
Isa lang akong blogger.
Pero dalawang beses na akong nagsaliksik at nagsulat tungkol sa Pax Silica. Alam na rin ito ng maraming MCT followers dahil pinag-usapan na natin ito noon.
Kung ako, na walang access sa intelligence briefings at government resources, ay kayang maintindihan ang isyu, bakit ikaw na gustong mamuno sa buong bansa ay tila ngayon mo lang narinig?
Saang kuweba ka ba nakasuksok at hindi mo alam ang kaganapan sa paligid mo?
Ang trabaho ng isang lider ay hindi lang kumontra. Hindi lang magbitaw ng platitudes. Hindi lang maghintay ng pagkakataong bumatikos.
Kailangan mong maintindihan ang mga isyung nakaaapekto sa bansa at sa mundo.
Kung sa mga pangunahing usaping pang-internasyonal ay nahuhuli ka na, bakit namin ipagkakatiwala sa iyo ang direksiyon ng Pilipinas?
